Maraming klase ng pansit sa Pilipinas. Halos sa bawat lugar, may kinasanayan na pamamaraan sa pagluto ng pansit, sa klase ng noodles at sa mga sahog.
Sa aming bahay, maging dito sa Manila o noong nasa probinsya pa kami, karaniwan na nagluluto ng pansit si Mama kapag may kaarawan, piyesta, Pasko o anupamang selebrasyon. Pansit bato ang niluluto namin (bihira lang na bihon) na sagana sa sahog na shredded chicken, small pork slices, at syempre, carrots, Baguio beans at repolyo, at para mas espesyal, minsan ay may sliced liver pa, at squid balls na hinati sa gitna. Sa sobrang dami ng sahog, kumpletong pagkain na.
Uso naman ang sotanghon kapag kapanahunan ng Pasko, lalo na pang-agahan kapag galing sa simbang-gabi (na madaling araw naman talaga). Bagay na bagay ito ipareha sa suman o kahit pa sa pandesal. Madalang naman iluto ni Mama ang misua na isinasama sa patola at sardinas o minsan giniling na karne ng baboy. ‘Di ko alam kung bakit sa patola lang ito isinasabay o kung pwde rin ito sa ibang gulay.
Noong nagtuturo naman ako sa isang eskwelahan sa Espana Blvd., madalas din kaming mag-order ng pansit na nasa bilao. Marami rin itong sahog kasama na ang calamares at medyo pino na chicharon baboy. Masarap talaga. Hindi ko maalala ang pangalan ng tindahan na binibilhan ng pansit pero ang tanda ko, palagi namin itong ipina-pares sa masarap na turon na mabibili sa Mang Tootz FoodHouse na malapit sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Doon naman sa Morayta, isa sa mga tindahan sa mini-mall ay nagtitinda ng Pansit Cabagan. Dinadayo din namin ito ng mga kapwa kong guro dahil masarap ang luto dito. Ang kakaiba sa pansit na ito ay may sabaw ito at tamang-tama lalo na kapag nagugutom ka na. (Sa kaparehong mall ay may Korean resto na Seoulia. Nag-oorder kami dito ng Japchae na manamis-namis na glass noodles.)
May pansit naman na kakaiba ang pagkain kaya tinawag itong Pansit habhab. Hindi ito nangangailangan ng kutsara o tinidor, bagkus ay nilalagay sa dahon ng saging tapos inilalapit sa bibig. Ito ang featured pansit namin sa food tour sa isang episode ng Fiesta Filipinas (na isang kultural na proyekto ng aming opisina sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas.)
Sa Talipapa naman, isang lugar sa Novaliches kung saan tumira kami ng ilang taon din, may isang tindahan ng pansit. Suavecito ang pangalan. Medyo marami din pumupunta doon at bumibili ng pansit kaya isang araw ay naisipan namin subukan ito. Ngunit, isang beses lang yun. Hindi na kami umulit kasi ‘di masarap ang timpla at kulang sa sahog at gulay; karamihan ay maliliit na piraso pa ng taba ng baboy. Syempre, yung luto ni Mama and benchmark ko sa masarap na pansit.
Masarap din ang palabok. Malasa at espesyal ang sarsa. Hindi pa namin ito naluto sa bahay (dahil medyo kumplikado ang sarsa at parang mas madaling mapanis kaysa pansit bato) pero marami na akong nasubukan na palabok — sa Ambers, Lola Nena, Mang Inasal, Jollibee, Razon’s. Kanina lang ay nag-order naman ako ng palabok sa Susie’s (isang resto at pasalubong place sa San Fernando Pampanga dahil pumunta kami sa Pampanga para kumuha ng mga Christmas lanterns) dahil naubusan sila ng kanin nung malapit na mag alas dose at 40minutes pa daw para magluto. Ayun, masarap naman at generous serving sa halagang 120 pesos lang.
Ay syempre, ‘di ko kakalimutan ang instant pansit canton na alam kong unhealthy pero bahagi ng buhay estudyante ko sapagkat madaling lutuin at masarap, lalo na ang Lucky Me Kalamansi Flavor. Ito rin ang inihandang agahan ni Mama, kasama ang nilagang itlog, noong magtitake ako ng eksamen sa Unibersidad ng Pilipinas kaya bahagi ito ng aking ala-ala. š
Ayan, Lingggo ngayon at walang pasok bukas kaya napasulat ako tungkol sa pansit. Meron palang inilathalang libro tungkol sa pansit ang Foreign Service Institute, na pinamagatang Pancit 101. Maaari ninyong mabasa ang mga detalye sa link na ito at ito naman ang tungkol sa book launch.
Salamat at hangad ko ang magandang kalusugan ng sinumang mapadaan dito sa blog at mabasa ang isinulat kong ito.