Wika, Atbp.

Sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Pilipinas ngayong Agosto, nais kong ibahagi ang ilang mga kaganapan, bagay, at mga pagmumuni-muni tungkol sa wika.

Una, nag-organisa ang aming opisina ng storytelling event na pinamagatang “Samot-Saring Hiraya: Imagination through Filipino Stories” noong ika-22 ng Agosto 2023. Nagkwento ng folktales na nagpahiwatig ng kulturang Pilipino at Filipino values ang apat na storytellers na galing sa Storyhouse Philipines. Mapapanood ang post-event highlights sa link na ito.

L-R: Jay, April, Jael, Dom from Storyhouse Philippines in Samot-Saring Hiraya (Photo credits: DFA – Office of Public and Cultural Diplomacy)
DFA – OPCD officers and personnel with Storyhouse Philippines, after the event Samot-Saring Hiraya.

Nagsagawa rin ang ilang mga Foreign Service Posts ng Pilipinas ng kani-kanilang mga aktibidad para ipagdiwang ang Buwan ng Wika maliban sa mga watch parties ng Samot-saring Hiraya. Eto ay ang pagpapalabas ng pelikulang Pilipino, pagkakaroon programa na ibinibida ang awitin, tula, at sayaw ng Pilipino, pagsagawa ng social media campaign tampok ang ilang salitang Tagalog na may malalim na kahulugan, at iba pang kaganapan.

Pangalawa, nagsagawa ang iba’t ibang ahensya ng pagdiriwang sa Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Filipino at Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan.” Pinangunahan ito ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Nakiisa rin ang mga ahensya, kabilang na ang Kagawaran ng Ugnayang Panlabas sa pagpalit ng Facebook cover para lamang sa buwan ng Agosto, na itinalaga ng KWF. Nagsagawa rin ang ibang ahensya ng mga serye ng webinar na nagtatalakay ng wika at kasaysayan (bilang Buwan ng Kasaysayan din ang Agosto).

Naalala ko rin noong nasa eskwelahan pa ako na nagtatrabaho bilang guro ng wika at komunikasyong Inggles. Nagkaroon kami ng hindi pormal na usapan tungkol sa code-mixing, code switching, at kung ano ang purong wika. May isa akong kasamahang guro na nagsabi na hindi mainam na paghaluin ang dalawang wika dahil nagreresulta ito sa impure language at bukod pa dito ay hindi raw magiging magaling ang mga estudyante sa bawat lenggwahe. Dahil may mga hindi sumang-ayon sa opinyon na ito, napagkasunduan na may mga sitwasyon kung saan hindi angkop ang mixed languages kagaya ng Taglish (halimbawa sa mga symposia at mga programang pang akademiko) at kung kailan ito maaring gamitin na hindi makaka-apekto sa kasanayang pangwika ng mga estudyante, halimbawa ay sa kaswal o pang araw-araw na pag-uusap.

Dahil sa pangatlong puntong ito ay bigla kong naisip ang pang-apat. Isa sa mga paraan na ginagawa ng mga kolehiyo at unibersidad sa Pilipinas (o maging sa sekondaryang eskwelahan) ay ang mga programa para mahikayat (at dahil dito ay maging magaling) sa pagsasalita ng wikang Inggles. Sa unibersidad na pinagturuan ko ng labing-isang taon, mayroong “English-only policy” kung saan ay may mga designated areas at schedule sa school building na Inggles lang ang wikang maaaring gamitin at kung hindi magkakaroon ng warning ang estudyanteng gumamit ng ibang wika. (Hindi ko maalala kung may fine pero sa ibang eskwelahan ay pinapatupad ang pagbayad ng fine na piso sa bawat non-English na salita.)

Ngunit, alam naman natin na hindi praktikal ang ganitong polisiya sa lahat ng ibang pampublikong lugar dito sa Pilipinas. Subukan mong magmasid at makinig kapag nagcocommute o naglilibot sa mga mall at iba pang lugar sa Manila — mas sanay ang mga tao na gumamit ng Taglish kaysa purong Tagalog o Inggles. Minsan din, may maririnig ka na nagsasalita ng ibang mga wika sa Pilipinas, pero may halong Inggles na mga salita rin. Isang beses, katuwaan lang at parang eksperimento na rin, nagkasundo kami ng kapwa ko guro at matalik na kaibigan na rin, na gumamit ng purong wikang Filipino habang nasa MRT. Halos lagpas trenta minuto rin namin itong ginawa. Dahil dito, nakatanggap kami ng mga curious stares at silent laughter sa ibang mga pasahero na malapit sa amin na nakarinig ng aming usapan, na para bang sinasabing “may sayad ba ‘tong dalawang ito?” Haha. Dahil dito, napaisip ako, totoo bang mas akma ang purong wikang Tagalog para sa mga makata, ngunit hindi sa ordinaryong pag-uusap?

Pang-anim, ilang isyung pangwika ang inanunsyo o ipinatupad sa bansa. Isa na dito ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na bahagi ng Enhanced Basic Education Program. Mababasa sa artikulong ito noong 2016 na 19 na wika ang ginagamit ng DepEd MTB-MLE: Tagalog, Kapampangan, Pangasinan, Iloko, Bikol, Ybanag, Sinugbuanong Binisaya, Hiligaynon, Waray, Bahasa Sug, Maguindanaoan, Maranao, Chavacano, Ivatan, Sambal, Akianon, Kinaray-a, Yakan, and Sinurigaonon. Naging kontrobersyal naman ang  House Bill 5091 o “An Act to Strengthen and Enhance the Use of English as the Medium of Instruction in the Educational System” na inihain noong 2017.

Hindi ko ito nasubaybayan kung nadagdagan ang listahan ng 19 na wika o kung patuloy pa itong ipinapatupad ngunit noong 2022, ayon sa DepEd ay hindi na ito ituturo bilang hiwalay na asignatura ngunit gagamitin pa rin itong medium of instruction. Sa isang pag-aaral naman na ikinomisyon ng Senado, napag-alaman na 4 lang sa 10 o 38% ng mga Filipino ang nagsabi na mas pipinili nilang gamitin ang lokal na wika na medium of instruction sa Grades 1 to 3. Sa parehong pag-aaral base sa interviews ng 1,200 na Pilipino, napag-alaman na 88% ang pabor na gamitin ang wikang Filipino o Tagalog lamang sa pagtuturo habang 71% ang pumili ng Inggles.

Sadyang nakakawili at hitik sa kaalaman na pag-aralan ang wika.

Sa bansang Pilipinas na may mayaman at linguistically-diverse na kultura, may dalawang opisyal na wika– English at Filipino at halos 200 na iba’t ibang wika. Bagamat kailangang pagbutihin ang kasanayan ng mga estudyante, propesyunal at mga mamamayan sa dalawang opisyal na wika, kailangan din ng mga polisiya na magpapatatag ng patuloy na paggamit ng iba pang wika sa Pilipinas.

Isa ito sa mga isyu na tinalakay sa isang forum na “More Than 100 Ways to Say…An Online Forum on the Status of Philippine Indigenous Languages” noong nakaraang taon, na isinagawa ng DFA – Office of Public and Cultural Diplomacy sa pakikipag-ugnayan sa UNESCO National Commission of the Philippines (UNACOM) at may mga tampok na tagapagsalita galing sa UNESCO, Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at Department of Science and Technology. Inaanyayahan ko kayong panoorin ang forum na ito sa pamamagitan ng pagclick na link.

Muli, maligayang Buwan ng Wika sainyong lahat!

Palaganapin natin ang pagpapayaman ng ating kultura at pagmamahal sa ating wika at identidad bilang Pilipino.

Leave a comment