The Workers in our Midst/ Ang Mga Manggagawa sa ating Paligid

Isang inhinyerong sibil ang yumaong tatay ko. Matagal syang nagtrabaho sa Saudi, pero nagkaroon rin sya ng proyekto sa Ho Chi Minh sa Vietnam. Ang ilang proyekto naman nya ay dito sa Maynila. Naalala ko nga, nakapunta pa ako dati sa isang construction site dyan sa may Vito Cruz noong itinatayo pa lang ang pundasyon ng gusali. Hindi ko nga lang maalala kung anong gusali ito dahil napakatagal na at hindi pa uso ang digital camera noon kaya wala man lang akong litrato.

Ang lolo ko naman (sa mother’s side) ay isang musikero. Marunong syang tumugtog, kahit walang pormal na edukasyong pangmusika, ng biyulin, gitara, bandurya, cello, maging ang tambol. Ayon sa kwento nya, dumarayo ang pamilya nila kapag may mga pista at mga selebrasyon sa baranggay o sa bayan. Noong tumanda na sya ay naging sapatero naman sya at may pwesto sa palengke sa sentro ng Bacacay, Albay.

Sina mama ay hindi nagtrabaho sa kompanya. Ginugol niya ang lakas at panahon sa pagmamahal sa aming magkakapatid at pagpapanatili ng maayos, malinis, at mapayapang kabahayan at pamilya. Dahil sa walo kaming magkakapatid, isang napakaimportante at mahirap din na trabaho ang gawain at ginagawa pa rin ng nanay ko. Si lola naman ay nagtrabaho muna bilang isang saleslady, pero noong nag-asawa na at nagka-anak (sina Mama), ginugol nya na rin ang oras sa pamilya.

Sa father’s side naman, hindi ko talaga nakasalamuha ang lolo at lola, maliban sa isang pagbisita ng lolo ko sa Albay noong bata pa ako. Sa kwento ng pinsan ko, ang mga lolo’t loloa ko ay kabilang sa pamilya ng mga magbubukid. Nakipagsapalaran ang pamilya ng lolo ko mula Cebu papuntang Mindanao, dahil noong panahon daw na yun ay naroon sa Southern Philippines ang oportunidad. Sa kasamaang palad ay namatay daw sa sakit ang lolo at lola ko sa tuhod kaya hindi na sila nakabalik ng Cebu at nanatili na lamang sa Davao.

Sa mga kapatid ko naman, may horticulturist sa ibang bansa (dating kawani ng gobyerno sa Pilipinas), may guro sa elementarya, may virtual assistant, may nasa BPO, at may electrical engineer na ngayon ay nasa bansang Guam. Ako naman ay dating guro pero sa ngayon ay kawani ng gobyerno. Paano nga ba kami napunta sa mga ganoong larangan? Sa tingin ko ay iba’t iba at sanga-sanga ang dahilan. Maliban sa interes, andyan na rin ang oportunidad. Samahan pa natin ng konting kapalaran. Pero anupaman ito, ang mga aspetong ito ang mahalaga — edukasyon (o maaari ring pagsasanay na bokasyunal), sipag at pagnanais na mapaunlad ang sarili, o makatulong sa pamilya at sa komunidad.

May mga magagandang (naalala marahil sa kulay rosas na salamin) rin ako ng mga kasama naming manggagawa sa bahay. Dahil marami kaming magkakapatid (isa na ako sa malilikot), meron kaming kasambahay na malayong pinsan ni Mama, si Ate Marilyn. Mabait sya at malumanay magsalita. Maalaga naman sya pero noong minsang hindi ako nakaayos ng higa, nalaglag ako sa kama at pumutok ang nguso ko kasi face down akong nahulog (nakatulog ulit after matulog at umaga ko na nalaman na sugat ang labi ko noong nagmumog). Nakakatawa kasi pagkatapos ng maraming taon, apat na dekada, nagsorry sya sa akin. Wala lang naman yun kasi alam ko na dati, malikot talaga akong matulog.

Kasama si Ate Marilyn sa Jollibee (Marso 2023)

May tsuper din kami dati dahil may isa kaming pampasadang jeep. Seryoso si Kuya Vito, tahimik. Pero mabait at kalmado. Isinama nila ako minsan ng tiyuhin ko sa talyer pagkatapos nila mamasada. Gabi na pero nagpumilit akong sumama. Napagalitan sila ng tatay ko (na nasa maiksing bakasyon noon galing abroad). Napalo din ako ng sinturon; masama ang loob ko noon kasi ‘di ko maintindihan noon kung ano’ng masama sa pagsama ko sa talyer. πŸ˜›

Photo by Wenzel Andrei Bolo on Pexels.com

At syempre si Lolo Pardo, isang karpintero na taga doon din sa Bacacay. Sya ang gumawa ng mga kabinet namin. Sya rin nag-aayos kapag may sira. Masipag sya. Pulido ang gawa. Masayahin at palangiti kahit hindi makwento. Naaaliw kami noon kasi kapag nagkakape sya at nagmiminindal, parang namimintog ang mga pisngi. Tawang-tawa kami ng ilang kapatid kong makukulit din (siguro edad 5-8 kami noon). Napagsabihan kami ni Mama noon pero sa tingin ko natuwa lang naman talaga kami dahil sa pisngi nya, hindi dahil pinagtatawanan namin sya.


Sadyang marami pang iba. Ang mga guro, mga naglilibot ng kakanin tuwing umaga o hapon, mga nagwawalis sa kalsada, mga nagtitinda sa palengke, mga magsasaka, mangingisda, mga kawani ng barangay, mga sales ladies sa LCC. Pero masyadong marami na para ikwento at baka maubos ang oras ngayong “Araw ng Manggagawa” na nais kong maging kakaiba sa ibang araw.

Sa France din, noong na-assign ako doon. Nakilala ko ang ilang neighbors sa residential building, mga nagtitinda ng prutas, bulaklak, kahera sa malapit na Carrefour or Monoprix at boulangerie (di naman talaga sa pangalan o kaya naman kasama magparty ngunit kabatian lamang kapag napapadaan ako). Ang nagbabantay ng gate sa Hameau papasok sa Philippine Embassy sa Paris at marami pang iba.

Kaya sa araw na ito ay nais kong magpugay sa lahat ng manggagawa. Sana malakas at maayos ang inyong kalusugan. Sana, maliban sa trabaho, ay may panahon kayo para sa mga mahal sa buhay, mga kaibigan, at mga gawain na nakakapagpasaya ng inyong puso. Sana ay ramdam ninyo ang kahalagahan ng buhay at pagmamahal ng Diyos.

Maligayang Araw ng mga Manggagawa! ❀

Author’s Notes:

Isinulat ko ito ng madalian sapagkat 30minutos lang inilaan ko para dito. Pasensya na kung may ilang mali o incoherent sa pangungusap. Pero galing ito lahat sa puso. Sa lahat ng manggagawa, mabuhay kayo! ❀

At kung sakaling mayroong may apelyidong Felimer na taga Cebu, imessage nyo ako. Baka malayong magkamag-anak tayo. πŸ˜‰

Leave a comment