Mahika

Nababanaag ko ang sinag ng araw sa dulo ng iyong pilikmata

Nararamdaman ang banayad na ihip ng hangin sa tuwing ika’y nakikita

Napapangiti sa’yong bawat salita at kuwento

Maaari bang patigilin saglit ang mundo para tumitig at makinig sa’yo?

Mabilis ang ikot ng mapanghusgang lipunan at mundo

Ngunit bahagyang tumitigil dahil sa’yo, oo, sa’yo,

Saan nagsimula, ano, bakit, kailan, at paanong tumatakbo ka sa aking isipan

Hindi ko malaman, hindi maaari, subalit ayan na naman.

Saan nanggagaling ang iyong mahika?

Paanong nagniningning ka nang higit pa sa iba?

Kung ano ang sagot, ‘di ko na muna pipiliting malaman.

Sapat na muna na ikaw, sa mundo ko, ay nand’yan.


Dahil sa tulang ‘to, nais kong ibahagi ang isang kantang gustong-gusto ko. Ito ay ang “Pasilyo” ng SunKissed Lola, isang bagong banda sa music scene ng Pilipinas.

Tila may mas akmang kanta para sa tulang ito. Ngayon ko lang nadiskubre ang napakagandang kantang ito (ika-3 ng Abril). Ang sarap sa tenga at ang ganda ng lyrics:

Video credits: YouTube

Leave a comment