Paalis na ako kanina ng opisina nang maisipan kong iuwi ang gitara sa bahay para sa weekend. Mabuti na lang at ginawa ko iyon.
Ilang minuto pa lang pagkasakay ko sa Grab, napansin ko na inaantok si lolo driver. Medyo kinausap ko siya sa ruta para mabawasan ang antok nya. Noong nasa kahabaan na kami ng Roxas Boulevard, dalawang beses s’yang binusinahan ng kasunod na sasakyan. Lalo na noong paliko kami sa NAIA road.
Ilang beses ko kinausap ko ang driver na tumabi muna kami sa gilid ng daan, para umidlip siya kahit saglit. Sabi nya, ‘di pwde kasi mas lalo sya makatulog. Kaya sabi ko, magmusic na lang kami. Sira ang signal, garalgal ang tunog at nakakahele ang kanta ng radyo ng taxi. Pinatay nya rin yung radyo. Ilang minuto, gising s’ya. Maya-maya, ganun na naman; napapapikit na naman s’ya ng mata.
Sabi ko maggitara na lang kami para magising. Natuwa s’ya at sabi nya, “Ha? May dala kang gitara?” Sagot ko naman, “baka di nyo po napansin kasi naka-itim na case.” Sabi nya, naggigitara din daw s’ya dati. Tinanong ko kung anong mga kanta ang gusto nya; mga kanta daw ni Freddie Aguilar. Sabi ko medyo mahirap yun kasi basic lang alam ko.
Unang kanta na tinugtog ko ay “Lovers Moon.” Isa pala yun sa paborito nya kaya sumabay sya sa pagkanta, lalo na sa chorus. Pagkatapos napakwento na sya na dati s’yang may gitara at mahilig kumanta. Mahilig din daw sa musika mga anak nya pero hindi ang pagtugtog ng instrumento, kundi ang pagkanta sa videoke. Sunod naman na kanta namin ay “Stand by Me.”
Ayun! Nagising ang diwa ni lolo driver. Matiwasay akong nakauwi. Sinabi nya rin, bago ako makababa, na sa sunod, bibili sya ng gitara. Sabi ko, “go lang po!” at binilinan syang mag-ingat sa daan.

Mga tala ng may-akda:
Ito ay totoong pangyayari na naganap noong ika-14 ng Hunyo 2024, Biyernes ng gabi.
Ang nakafeature na mga litrato ay ang totoong gitara ko; ang una ay kasama ang alaga kong pusa na si Peanut, at ang isa naman ay kuha isang gabi, habang nagtutugtog ako sa veranda.
Nagpapasalamat ako sa mahika ng musika.