Ngayong Agosto ay Buwan ng Wikang Pambansa. Iyan ang dahilan kung bakit nagkaroon ako ng inspirasyon na magsulat tungkol sa wika.
Ano ang wika? Ito ang midyum para maipahayag ang ating ideya, opinyon at saloobin.
Mayaman ba ang bansang Pilipinas sa wika? Oo, sapagka’t mayroon tayong halos dalawang daan na wika sa ating bansa. Ayun sa mga nailathalang artikulo at ulat ng Department of Tourism, walo (8) dito ay itinuturing na pangunahing wika: Tagalog, Cebuano, Ilocano, Hiligaynon or Ilonggo, Bicol, Waray, Kapampangan, at Pangasinense. Kung bakit sila ang pangunahin, dahil ba sa dami ng bilang ng nagsasalita sa mga wikang ito o dahil sa kayamanang pang-ekonomiya ng mga lugar kung saan ito sinasalita, naghahanap pa ako ng opisyal na dokumento o artikulo.
Ikaw? Ilan sa mga wika sa Pilipinas ang kaya mong gamitin sa komunikasyon?
Karamihan sa mga Pilipino ay may dalawa, tatlo o higit pang wika. Sa paaralan karaniwang natututunan ang mga wikang Tagalog at Inggles at sa bahay naman ginagamit ang mother tongue. Kung magkaibang wika pa ang mga magulang o kaya naman ay lumagi nang kahit ilang buwan sa isang lugar maliban sa lugar ng iyong kapanganakan, matututo ka rin ng ilang mga salita at ekspresyon sa ibang wika.
Sa personal kong karanasan, dalawang taon akong namalagi sa Maynila bago lumipat ang pamilya ko sa Albay, kung saan pinanganak si Mama. Wikang Bicol ang mother tongue ko. Bisaya naman ang wika ng (yumaong) ama ko, ngunit hindi nya kami kinakausap sa Bisaya maliban na lamang sa ilang ekspresyon. Tagalog ang gamit nyang salita at hindi sya naging fluent sa wikang Bicol, kinakausap namin sya sa wikang Bicol at naiintindihan naman nya ito. Naging sanay naman ako sa wikang Ingles dahil sa paaralan at lalo na noong naging guro at consultant ako ng wika, komunikasyon, at pagresearch sa wikang Ingles sa loob ng 15 taon. Kaya sa bahay namin o maging sa pakikipag-usap sa informal na setting, napansin ko hindi puro ang wikang gamit namin — ito ay halo-halo ng salitang Bicol, Tagalog, Ingles. Maidagdag ko rin na dahil sa halos apat na taong pagtrabaho ko sa France, naging bahagi na ng karaniwang sambit ko ang bonjour, bonsoir, merci, s’l vous plait, oui, non, pourquoi, attendez, at iba pang ekspresyon nang hindi namamalayan.
Naisulat ko noong isang taon ang isang essay tungkol din sa wika pati ang ilang panukala sa paggamit ng wika sa edukasyon. Kaya iba naman ngayon ang mga usapin na nais kong ibahagi, sa pamamagitan ng mga tanong?
- Sa anong mga wika ka matatas? Ano pang ibang wika o mga wika ang nais mong matutunan? May mga paraan na ngayon. Mga klase ng nag-ooffer ng mga kursong pangwika, mga online na tutorial na libreng mapapanood at mapapag-aralan. Kung magkaroon ka ng pagkakataon, makakatulong ang mamalagi sa komunidad o lugar kung saan ay araw-araw mong magagamit ang bagong wika.
- Ano ang mga ginagawa mong paraan para higit na matutunan ang wika? Sa pagbabasa? Panonood ng pelikula o dokumentaryo? Pakikinig sa musika?
- Itinuturing na lingua franca ang wikang Ingles. Totoo ito. Ngunit marami na rin na ibang wika ang mahalagang matutunan dahil magbubukas ang pinto sa maraming oportunidad. It ay ang mga wikang Espanyol, Pranses, Tsino, Arabic at Hindi. Sa isang artikulo ng Babbel Magazine, heto ang sampung pangunahing wika sa buong mundo.
- Naaapektuhan ba o nababago ang personalidad ng isang tao ng kanyang gamit na wika?
- Sa iyong pananaw, maituturing bang universal ang body language?
- Ano ang kailangang gawin para higit na mapatatag ang kamalayan at interes tungkol sa wika at literatura hindi lamang sa mga mag-aaral kung hindi pati ng publiko? Ano pa ang mainam gawin maliban sa pagkakaroon ng mga aklatan, book fair, at online book clubs?
- Sinasabi na ang interes sa pagkatuto sa wika, hilig sa pagbabasa, at kagustuhang matuto ay nagsisimula sa bahay, sa murang edad. Paano mas mapapalaganap ang mahusay na kasanayang ito?
- Ano ang mga proyekto na isinagawa o isinasagawa ng iyong paaralan, kompanya o komunidad para ipagdiwang ang Buwan ng Wikang Pambansa? Sa Kagawaran ng Ugnayang Panlabas, pinangunahan ng Tanggapan ng Diplomasya Kultural (DFA-OCD) at ng Pambansang Komisyon ng Pilipinas para sa UNESCO (UNACOM) ang pagdiriwang na ito na nagtampok ng mga tula sa elevator, social media campaign, at Buwan ng Wikang Pambansa corner.
Salamat sa pagbabasa at Maligayang Buwan ng Wika sa inyong lahat.
Pagyamanin natin at ipagmalaki ang mga wika sa Pilipinas. Panatilihin din nating bukas ang ating interes na matuto ng iba pang mga wika sa mundo.