Limang minuto makalipas ang ika-sampu ng gabi, naglalakad ako nang matulin sa EDSA, galing Shaw papuntang Ortigas. Paano kasi, wala na palang byahe ang MRT paSouth; North na lang daw sabi ng guard. Hinintay ko munang makabili ng ticket ang kasabay ko paNorth, sinigurado sa guard ang impormasyon, at nagpasyang lakarin papunta sa EDSA Carousel bus.
Tiningnan ko ang daan bago simulan ang medyo mahabang lakad. May mangilan-ngilan pa namang naglalakad; mas marami nga lang na kasalungat ng direksyon ko, karamihan lalaki at dalawa o tatlo lang na babae. Sa buong block din na yun, may nadaanan akong tatlong nakapark na motor, na inisip ko na lamang na may hinihintay ang driver o nagpapahinga saglit. Sakto naman na nakasuot ako ng panlakad/pantakbong sapatos kaya pakiramdam ko, para lang akong lumipad papunta sa Shaw hanggang Ortigas. Magaan lang din ang tote bag na dala ko at free ang dalawang kamay ko. Alerto din ako sa paligid.
Galing ako noon sa panonood ng Tingin Film Fest sa Red Carpet Cinema Shangri-la Plaza Mall, dahil sa pag-imbita ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Natapos ang pelikulang The Long Walk ng Lao PDR na dinirekta ni Mattie Do, ilang minuto na lang bago magika-sampu ng gabi. Noong una ay wala akong plano na mamalagi sa mall hanggang ganoon ka late ngunit, pakiramdam ko, hindi ako mapapalagay kung ‘di ko nalaman o napanood ang hulihan ng kwento sapagka’t nasimulan ko na ito at nais ko ring malaman kung ano ang nangyari sa pelikula.



Medyo nakakatakot ang The Long Walk lalo na sa isang tulad ko na hindi naman mahilig sa horror genre. Higit sa katatakutan, mas nanaig ang pagkamangha at pagtatanong sa mga kaganapan sa pelikula. Alin ang totoo? Ano nga ba ang nangyari? Masama ba ang bida sa pelikula, o mayroon lamang s’yang kakaibang misyon sa lupa at ispiritwal na mundo? Ano ang mangyayari kung hindi nya sinubukang baguhin ang nakaraan tungkol sa pagkamatay ng kanyang ina? Paano nya nakakausap ang batang s’ya kung iisa lang s’ya at ang bata? Bakit s’ya sinasamahan ng babaeng multo sa halos lahat ng oras? Nakatulong ba sa ikatatahimik ng mga kaluluwa ng namayapa na samahan n’ya ang mga ito? Ano ang totoong nangyari sa dalagang nakitira sa kanya?
Maganda ang pagkakatahi ng nakaraan, pangkasalukuyan, at panghinaharap sa plot ng pelikula. Hindi fast-paced ang pelikula nguni’t marami ang nangyayari. Bawa’t eksena, may halong kaba at katanungan kung ano kaya ang susunod. Kakaiba din ang holographic image na makikita sa may pulsuhan ng lalaki na nagpapahiwatig na nasa panahong panghinaharap na taliwas sa kalumaan ng lugar, mga bahay, mga tao sa pelikula.

Dumako naman tayo sa byahe papuntang Shangri-la Plaza Mall. Napagpasyahan ko huwag sumakay sa kahit anong ride-hailing app at gumamit lang ng pampublikong transportasyon buong araw kahit hindi ito komportable, sapagka’t sabado naman at ‘di ko ito nagagawa kapag sa mga araw na may trabaho. Ayun nga. Mula sa bahay, sumakay ako ng traysikel, ng dyip, naglakad ng 7-10 minuto papunta sa MRT station galing sa Baclaran, at sumakay ng MRT papunta sa Ortigas station. Sobrang daming tao sa Baclaran. (Ang litratong nakikita nyo sa itaas sa sa bandang medyo malapit na sa MRT at hindi na ganoon kasikip kumpara sa naunang limang minutong lakad.) Hindi naman ito nakakagulat dahil Sabado pero marahil ay ‘di lamang ako sanay.
Habang binabaybay ang kahabaan ng Baclaran, napansin ko na buhay na buhay ang paligid. Halos nagkakasabayan/nagkakasalungatan ang mga tao, kotse, motorsiklo, e-bike, kariton. Iba’t ibang amoy din ang nasa paligid — basura, pagkain, plastik, usok, ngunit ang pinakamalakas ay amoy goma, lalo na nang mapatapat sa mga itinitindang itim na sapatos na mukhang pangtrabaho ang istilo pero gawa yata sa goma.

Bago ang pelikula ay nagkita muna kami ng isang Pilipinong manunulat/nobelista, si Ginoong Allan Derain. Nag-usap kami tungkol sa pagsusulat, mga aswang at supernatural na mga kwento sapagkat ganito ang tema ng mga isinusulat at isinasaliksik nya ngayon.
Sa palitan ng mga kwento tungkol ng aswang at supernatural, isa sa mga napagtanto namin ay kung papaanong tumutulong ang pamilya at komunidad na mapanatiling ligtas ang isang babae sa mahahalagang panahon– sa pagbubuntis, panganganak at kung paanong sa panahon ng pagsilang at pagkamatay ng isang tao ay sinisigurado ng pamilya na may kasama at ligtas ang kanilang mahal sa buhay. Isa itong kaisipan at kaugalian ng kulturang Pilipino na nakakapagpagaan at nakakapahinahon ng pakiramdam.
Ika-17 ng Agosto 2024
Notes ng may-akda:
Noong nakauwi na ako (lagpas hatinggabi) at nalaman ni Abie na nilakad ko ang Shaw hanggang Ortigas, sabi nya, sana daw ay nagpabook na lang ako. Paano daw kung naholdap at na icepick ako sa daan. Sabi ko naman, may mga tao pa namang naglalakad at saka, ‘di ako nakaramdam ng kaba.
Marami sa mga kinwento ko ay galing sa kwento ng aking lolo at lola sa Albay, na pareho nang namayapa, maraming taon na ang nakalipas. Sa gitna ng mga kwento, naisip ko at namiss ko sila. Para akong maiiyak ngunit pinigilan ko ito dahil may kausap ako nas kaharap ko. Naisip ko na totoo talagang kailangan nating maglaan ng panahon sa ating mga nakakatandang kamag-anak kapag sila ay may nais sabihin at ikwento. Kadalasan, dahil sa kabilisan ng mundo at dahil sa ating napakaraming responsibilidad natin sa modernong panahon na ito, hindi natin sila napagtutuunan ng pansin at oras, maliban na lamang sa saglit na pagbisita o maikling tawag o mensahe.
Ang ginamit ko na featured photo ay isang disenyo /eskultura sa Tingin Film Fest.