Kahapon ay isinagawa ng aming opisina, ang DFA Office of Cultural Diplomacy sa pakikipagtulungan sa Pelikulove, and unang lektyur sa Heritage Talks 2025, isang proyekto sa diplomasyang kultural, kung saan ay itinampok ang mahalagang papel ng kababaihan sa kasaysayan ng Pilipinas, bilang paggunita sa National Women’s Month. Binigyang pansin ang makulay ngunit masalimuot na buhay ni Gregoria de Jesus (o Ka Oriang), ang Lakambini ng Katipunan at ang pangalawang asawa ni Andres Bonifacio, na may ginampanang makabuluhang papel sa rebolusyon. Sya ay ipinanganak noong ika-8 na Mayo 1875 at pumanaw noong ika-15 ng Marso 1943. Ngayong taon ay 1ka-150 anibersaryo ng kanyang pagsilang.
Ang batikang historyador na si Dr. Xiao Chua ang resource speaker, na nagpahayag ng madamdamin at masayang pagkwento ng buhay ni Ka Oriang. Mayyoong panel discussion sa pangalawang bahagi ng lektyur, kasama ang historyador na si Dr. Fe Mangahas, si Propesor Dorothy Jose, Direk Ellen Ongkeko-Marfil, at si Ms. Karen Tañada, isang descendant ni Ka Oriang.
Mahaba ang pag-uusap at maraming impormasyon ang naibahagi lektyur na mapapanood nyo sa link na ito, ngunit nais kong bigyang-atensyon ang sampung tagubilin na ibinahagi ni Dr. Xiao sa kanyang lektyur at unang beses kong natutunan. Maganda ring pagnilayan ang mga ito:
1. Igalang at mahalin ang magulang pagka’t ito ang pangalawang Dios sa lupa.
2. Alalahanin tuwina ang mga banal na aral ng mga bayani na nasawi dahil sa pag-ibig sa bayan.
3. Huwag magaksaya ng panahon nang di pamarisan.
4. Pagsikapang magkaroon ng anomang karunugnan na tumutugon sa kanyang hilig upang pakinabangan ng bayan.
5. Ang kabaitan ay alalahaning isang malaking kayamanan.
6. Igalang ang mga gurong nagpapamulat ng isip, pagka’t kung utang sa magulang ang pagiging tao ay utang naman sa nagturo ang pagpapakatao.
7. Iligtas ang api sa panganib.
8. Matakot sa kasaysayan pagka’t walang lihim na di nahahayag.
9. Kapag napag-ingatan ang kasamaan ay doon manggagaling ang malaking karangalan.
10. Sikapin ang ikapagkakaisa ng lahat at ikauunlad ng bayan upang huwag magkaroon ng sagabal ang kasarinlan.
Nawa’y basahin ninyo ito ng taimtim at maintindihan kung gaano ito kahalaga bilang panggabay, lalo sa mga kabataan.
Heto ang ilan sa mga litrato na kinuha ng DFA Office of Public Diplomacy sa event:


Heto naman ang ilang litrato ko sa event:






Maraming salamat sa pagbabasa. Napakaganda ng talakayan. Muli ay inaayayahan ko kayong manood at antabayanan din ang mga susunod pang heritage talks sa Philippine food, textiles, and architecture.
Mga notasyon:
Sa isang tula na isinulat ko noong 2016, may ganitong linya:
Ngunit hindi nababaon sa limot ang kasaysayan/ Guni-guni ng ilan na ito’y kayang pagtakpan/ Aahon sa alabok ang buong katotohanan…
Nagalak ako sapagkat magkahalintulad ang ideya nito sa ika-walong tagubilin ni Ka Oriang.