Nakakamangha ang wika,
Bawat titik, kudlit, tuldok, at salita,
Idagdag pa ang tono, emosyon, at ideya,
Nagpapabatid ng lungkot, galit, pangamba, at saya;
Instrumento daw ito para magkaunawaan,
Magpalitan ng saloobin at mga kaiisipan,
Daan para pagyamanin ang kaalaman,
Sa pagbasa, panulat, at pakikipagtalastasan.
Sadyang tunay!
Subali’t bakit ginagamit ang wika:
– upang pagtakpan ang katotohanan?
– upang lituhin ang malinaw na usapan?
– upang sa mabulaklak salita, mapabango ang mensaheng walang katuturan?
– magpalaganap ng galit, maling impormasyon, at kaguluhan?
Maging responsable at mapagmatyag po sana tayo,
Gamitin ang wika nang maayos sa ating kapwa tao.
Maging bahagi sa paghilom ng mundo,
Sa pagtuwid ng hindi tama, sa pagtuklas at pagpabatid kung ano ang totoo.