Kumusta kayo?

Kumusta kayo mga kaibigan?

Ayos lang ba kayo?

Napakarami na ang nangyari simula noong tayo’y huling magkita. Ang dami ko sanang gustong ikwento sainyo ngunit pare-pareho tayong abala. Lalo pang mahirap kasi nasa iba’t ibang lugar na tayo at ang ilan sa atin, kagaya ko ay nasa ibang time zone.

Kumusta naman ang buhay? Okay lang ba? Akala natin dati, kapag umabot na tayo sa edad na ito, sobrang tanda na natin. Ang akala nga natin kapag nasa 20s na at nagkatrabaho na, ang tanda na natin. Ngunit dumating ang 30s at pakiramdam natin, ‘di pa naman pala tayo matanda. Sobrang dami pa nating bagong natututunan at kailangang matutunan. Kapag may pagkakataon nga na magkita tayo (na sobrang dalang na sa ngayon), para tayong mga batang nagtatawanan, nag-aasaran at nagkikuwentuhan ng kung anu-ano.

Karamihan sa atin, may mga trabaho. Ang ilan ay piniling magnegosyo o mag-alaga sa pamilya. Halos lahat tayo pinagsasabay-sabay ang iba’t-ibang papel sa buhay. Minsan masaya. Minsan malungkot. Madalas nakakapagod ngunit ganito talaga ang buhay–halo-halong nararamdaman at nararanasan.

Kumusta naman ang puso ninyo? Ayos pa ba? Mas lalo ba itong tumatag dahil sa napakaraming karanasan natin? O kaya naman, nanghina ba ito sapagka’t mas nakilala na natin ang mundo? Masaya ba ang puso ninyo? Nasa lugar ba kayo ngayon kung saan ninyo talaga nais? Sana oo. Ang sabi nga ng karamihan, kung nasaan ang puso mo, naroon din ang tahanan mo. Sana, kung nasaan man kayo ngayon, ramdam ninyo na nasa tahanan kayo na puno ng pagmamahal.

Alam ko, kung may panahon lang tayong magkita-kita, hindi lang kapag reunion, ang dami nating pag-uusapan buong magdamag. Kahit nga siguro isang linggo, hindi tayo mauubusan ng kuwento–tungkol sa mga taong nakilala natin, tungkol sa mga taong nang-iwan o iniwan natin dahil sa kung anumang dahilan, mga karanasan natin sa buhay, mga aral na natutunan natin sa buhay, mga araw na sana’y hindi na natapos, mga librong nabasa natin, mga bagay na nakita natin, mga lugar na napuntahan natin, at napakarami pang iba.

Kumusta ang kalusugan ninyo? Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Huwag kakalimutang kumain sa oras, magpahinga kapag pagod, at matulog ng sapat na oras. Alam naman niyo na napakahalaga ng kalusugan natin at kailangan nating manatiling malusog para mas maramdaman natin at maranasan ang bawat sandali ng ating buhay. Sana ay may oras kayo na mag-ehersisyo kahit sa bahay lang, lumanghap ng sariwang hangin, maramdaman ang sikat ng araw, maglakad hindi lang para mag-ehersisyo ngunit para makapag-isip din, makausap ang mga mahal sa buhay at kaibigan at makapiling ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Ang daming pinagdaanan ng bansa natin — bagyo, baha, pandemya at kung anu-ano pang mga problema. Ayos lang ba ang mga mahal sa buhay ninyo? Okay naman ang bahay ninyo? May sapat ba kayong panggastos sa pangangailangan ng pamilya? May komportable at maayos ba kayong tulugan sa gabi? Nakaka-kain ba kayo nang maayos? Sana oo. Kung may mga ilang problema naman, pakaisipin na pansamantala lamang ito at malalagpasan ninyo rin ang problema. Huwag mag-atubiling humingi ng tulong kung kinakailangan. Kapit lang. Huwag susuko. Lilipas din ‘yan.

Ngayon ay matatapos na ang taong 2020. Isang buwan na lang. Parang isang iglap lang itong dumaan. Kaya pakatandaan na pahalagahan ang buhay. Pahalagahan ang bawat minuto, oras at araw.

Padagos sa paghiro. Padagos sa pagkamoot. Ingatan pirmi ang sadiri. ❤

2 Comments Add yours

    1. emi_f says:

      Salamat, Eduardo. Kayo rin. 🙂

      Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s