Abril 9 – Araw ng Kagitingan

Ngayon, ika-9 ng Abril 2021, ginugunita ang ika-79 na anibersaryo ng Araw ng Kagitingan. Sa araw na ito, inaaalala ang pagbagsak ng Bataan sa kamay ng puwersang Hapones o “Fall of Bataan” noong 1942 at ang nakakagimbal na Bataan Death March kung saan maraming mga sundalong Pilipino at Amerikano ang namatay. Panahon ito ng ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Maraming mga batas ang nilagdaan ng mga dating Pangulo ng bansa patungkol sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan. Ito ay ang  Proclamation No. 24, s. 1945 (ni Pangulong Sergio Osmena), Proclamation No. 381, s. 1953 (ni Pangulong Elpidio Quirino, Proclamation No. 11, s. 1954 at  Proclamation No. 140, s. 1955 (ni Pangulong Ramon Magsaysay),  Executive Order No. 203, s. 1987 (ni Pangulong Corazon C. Aquino), Republic Act No. 9492, s. 2007 (ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo) at Proclamation No. 655, s. 2013 (ni Pangulong Benigno S. Aquino III).

Sa araw na ito, napaisip ako sa mga bayani ng bansa, bagama’t may nakahiwalay na pagdiriwang para sa kanila, ang National Heroes’ Day tuwing huling Lunes ng Agosto.


Kung tatanungin ang mga batang Pilipino kung sino ang mga kilala nilang bayani, ang madalas na sagot ay si Dr. Jose Rizal (ang ating pambansang bayani), Andres Bonifacio, at Apolinario Mabini. Totoong kahanga-hanga ang mga naiambag nila sa pagpapalaya ng ating bansa sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol.

Ngunit, sadyang napakarami pa ang mga bayani ng ating bansa. Halimbawa na lamang ay ang mga sumusunod:

  • Heneral Antonio Luna
  • Lt. Artemio Ricarte and Agueda Esteban
  • Sultan Dipatuan Kudarat
  • Epifanio Delos Santos
  • Gabriela Silang at Diego Silang
  • GOMBURZA
  • Graciano Lopez-Jaena
  • Heneral Gregorio H. Del Pilar
  • Sgt. Jose Cabalfin Calugas
  • Lapu-Lapu
  • Heneral Macario Sakay
  • Mechora Aquino (a.k.a. Tandang Sora)
  • Capt. Nieves Fernandez
  • Teresa Magbanua
  • Trese Martires
  • Trinidad Tecson (a.k.a. Mother of Biak-na-Bato)

Noong 2016 sa unang pagkakataon, pinarangalan ng Pilipinas ang isang hindi pa napapangalanang bayani na taga Macabebe, Pampanga na syang namuno sa Digmaan sa Bangkusay, Tondo noong 1571 laban sa hukbo ni Gobernador-Heneral Miguel Lopez de Lagazpi. Napatunayan sa isang ilang taong pananaliksik na hindi si Rajah Soliman (o Sulayman) ang namuno dito. Sinangayunan ito ng National Historical Commission of the Philippines.

Maaari nating idagdag, dahil hindi ito nalalaman ng nakararami, na siyam (9) lamang ang opisyal na tinaguriang pambansang mga bayani ng isang komite na binuo noong 1993 sa pamunuan ni dating Pangulong Fidel V. Ramos. May anim (6) na criteria na naging batayan sa pagpili ng mga bayani na mababasa sa isinulat na artikulong “No official national heroes” noong Setyembre 2019 sa peryodikong Business Mirror.

Kung ang karaniwang konsepto ng bayani ay tungkol sa pagpapalaya sa mananakop ng bansa, lumawak ang konsepto ng bayani para isama ang mga Pilipinong nakatulong sa pag-unlad ng bansa at nag-angat ng karangalan ng bansa sa pandaigdigang komunidad. Naisama rin ang mga tumutulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa. Halimbawa na lamang, simula noong 2013, tinagurian ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) bilang mga bagong bayani dahil sa malaking ambag nila sa ekonomiya ng bansa.

Noong nakaraang taon naman, nagsimulang tawagin ang mga Health Care Workers (HCWs) na mga bayani dahil sa napakahalagang papel na ginagampanan nila sa pagsugpo ng pandemyang COVID-19 at patuloy silang pinaparangalan ng bansa ngayong taon. Ayon naman sa iba, hindi lang ang HCWs ang dapat isama sa karangalang ito ngunit pati na rin ang mga nagtatrabaho sa supermarkets at grocery stores, pharmacies, at mga food delivery services.

May mga indibidwal o grupong maituturing na bayani kagaya ng mga Ramon Magsaysay Awardees (mayroon akong mga libro tungkol dito at totoo namang nakaka-inspire na basahin), CNN Hero Awardees (si Efren Penaflorida Jr. ng Pilipinas ang nakatanggap nito noong 2009), at marami pang iba. Dagdag pa rito ang mga Non-Government Organizations (NGOS) na nagsasagawa ng housing projects, feeding programs, educational programs, at iba pa. Sa kanilang mga sariling paraan at kahit salat sa impluwensya o kayamanan, marami ang nagnanais makatulong sa kanilang kapwa at komunidad.


Sinasabing likas sa mga Pilipino ang pagiging matulungin sa kapwa. Kung isa ka sa mga gumagawa ng mga paraan para makatulong sa iyong mamamayan at mapabuti ang kanilang kalagayan, at gumagawa ng tama para maiangat ang kalagayan, integridad at imahe ng bansang Pilipinas, para rin sa’yo ang araw na ito. 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s