Kamakailan, habang bumabyahe kami sa daan ng kasama ko, binabaybay ang mga kalye ng siyudad ng Maynila papunta sa trabaho isang Biyernes ng umaga, napadako ang usapan namin sa personal na bagay.
Ayon sa kanya, hindi sya ang taong madalas nangungumusta sa mga kaibigan at kamag-anak nya, hindi dahil wala siyang pakialam sa mga ito, ngunit dahil ganoon lang talaga ang ugali nya. Kwento nya rin, lalong umigting ang pag-iisa nya nung nasa kasagsagan ng pandemya. Naibahagi nya rin na ilang taon ‘din syang nakaranas ng depresyon at pati ang mga nais nyang gawin dati, kagaya ng pagiging tattoo artist ay nawalan ng saysay para sa kanya.

Naibahagi ko may ganito ring yugto sa buhay ko. Noong panahon na nasa isang makinang at makulay na siyudad ako sa ibang bansa, naranasan ko ito–ang pakiramdam na walang saysay ang mga bagay-bagay. At isang mahirap na proseso ang pagbangon. Ngunit naibahagi ko rin na kahit anupaman ang solusyon na nasa paligid–mga kaibigang nagmamalasakit, mga kamag-anak na nagmemensahe, mga taong sumasagot ng helpline, at propesyunal na manggagamot, sa huli ay sarili mo pa rin ang solusyon.
Pareho ang aming pananaw na malaking aspeto ng mabuting kalusugan at kaisipan ang pagharap sa ating mga “personal demons.” Nakakatulong rin ang suporta ng kahit isang kamag-anak o kaibigan na naniniwala sa’yo.
Ang proseso ng pagbangon ay madali para sa iba, ngunit maaaring abutin ng buwan o taon sa iba. Ngunit kailangan pa rin itong subukan sa abot ng ating makakaya.
Maiksi ang buhay at isang pagkakataon lamang ang ibinigay sa atin para gawing maayos at maaliwalas ang buhay natin. Bahagi rin ng buhay ang mga problema at karamihan sa mga ito ay pansamantala lamang. Kailangan din tanggapin na may mga bagay na wala tayong kontrol — halimbawa umibig ka sa taong hindi para sa’yo, namatay ang mahal mo sa buhay, nahalal na lider ang taong sa iyong opinyon ay di karapat-dapat para sa bayan, sadyang masama ang ugali ng isang taong kasama mo sa trabaho, hindi naaprubahan ang visa mo, at iba pang sitwasyon.
Sa mga nakakaranas ng pagsubok sa ngayon, hangad ko na sana’y malagpasan ninyo ito at sana’y maging maayos ang mga susunod na mga araw, linggo, buwan at taon para sa inyo. Sana’y mapanatag ang loob ninyo. Sana’y makahanap kayo ng kahit napakaliit na dahilan para ngumiti sa bawat araw –ang langit, isang magandang pelikula, isang nakakaindak na kanta, mensahe na “kumusta ka,” galing sa isang kaibigan, mainit na pagkain sa hapag-kainan, paggising sa umaga na wala kang iniindang karamdaman, atbp. ❤