Ngayong araw, ika-30 ng Agosto ay ipinagdiriwang ang Araw ng mga Bayani. Ito ay ang araw na inilaan upang gunitain ang mga mamamayang Pilipino na nagsumikap at kumilos para makamit ang minimithing pagbabago sa lipunan, pag-unlad ng kabuhayan ng mga Pilipino, at kalayaan laban sa mapaniil na mga mananakop. Kalimitan, ang pagiging bayani ay iniuugnay sa pag-alay ng buhay para sa Inang Bayan.
Sadyang kahanga-hanga ang mga katangian ng ating mga bayani. Sila’y matatapang, may paninindigan at may malasakit sa kapwa. Karamihan din sa kanila ay nagpamalas ng kakaibang galing sa kanilang mga larangan. Si Dr. Jose Rizal, halimbawa, ay hindi lamang magaling sa pagsulat ng mga nobelang nagmulat sa kaisipan ng mga Pilipino at nagpalakas ng nasyonalismo ng mga mamamayan. Isa rin siyang doktor at lingwista, pintor at iskultor. Si Andres Bonifacio naman na kilala bilang Ama ng Katipunan at Ama ng Demokrasya (ayon sa ilang may-akda ng aklat sa kasaysayan) ay matapang, may marubdob na pagmamahal sa bayan at may pananalig sa Diyos. Marami pang ibang mga bayani na siyang salamin ng isang kahanga-hangang Pilipino.
Ngunit hindi kailangan mag-alay ng buhay at maging napakagaling sa iba’t-ibang larangan para maging bayani. Ang mahalaga ay may malasakit sa kapwa, malinis ang kalooban at ginagawa ang lahat para maging mabuting tao at para maiangat ang kalagayan ng lipunan at ng bayan.