Ngayon ay bisperas ng pista sa aming lugar sa Albay. Sigurado, marami na naman ang abala sa paghahanda ng mga pagkain para sa pamilya at para sa bisita. Marami rin ang naglilinis ng bahay at bakuran para handa sa pagdating ng okasyon.
Tuwing pista ay ipinagdiriwang ang santa o santong patron ng isang lugar sa Pilipinas. Sa aming bayan sa Bicol, si Sta. Rosa de Lima ang siyang pinagpupugayan sa panahon ng pista.
Ngunit, higit sa relihiyosong pagdiriwang, mas tumatak ang pista sa puso ko dahil sa masasayang ala-ala kasama ang pamilya, ang mga kapitbahay, komunidad at mga kaibigan. Nagbibigayan kami ng ulam sa mga kapitbahay at pumupunta naman kami sa mga bahay-bahay ng kaibigan at kaklase ko para kumain ng mga matatamis na kakanin at malalasang ulam.
Nagluluto kami ng mga kamag-anak ko sa bakuran sa malalaking kawa at gumagawa ng malaking lutuan gamit ang tatlong bato at mga pinirasong kahoy. Madalas, nagluluto ng ubod ng niyog sa gata na may kasamang alimasag, pansit na hitik sa sahog, at mga putaheng karne kagaya ng adobo o humba, mechado, at kaldereta. Madalas din naming lutuin ang dinuguan na hinaluan ng pinya o kaya naman ay pinirasong saging na saba.
Naalala ko rin noong bata pa ako tuwing pista ay may peryahan sa may malapit sa palengke, sa lugar kung saan nakatayo ngayon ang palaruan o syang tinatawag sa amin na “Children’s Paradise.” Napupuno rin ng paninda ang buong kahabaan ng dalawang daan ng sari-saring mga bagay–maestilong mga damit, makukulay na laruan, mga murang gamit pambahay, mga masasarap na pagkain, at iba pa. Napakasaya ko noon habang binabaybay ang daan na na iyon.
Nagkakaroon din ng buhay ang plaza na nasa tabi lang ng simbahan dahil sa tugtugan, sayawan at patimpalak ng kagandahan. Naalala ko ang tawag noon dati ay Misis-Misis (‘di ko alam bakit hindi Mister-Misis”) kung saan sumasayaw pati ang mga may edad ngunit sa kalaunan ay napalitan na ito ng disco ng mga kabataan.
Kaabang-abang din ang parada kung saan nagpapamalas ng galing sa pagkumpas sa martsa, ganda ng makulay na uniporme at nakakaindak na tugtog ang mga kalahok na galing sa iba’t ibang paaralan. Naalala ko, kasama ako noon sa parada kasi twirler ako dati simula Grade IV hanggang 1st year high school.
Ngayong panahon ng pandemya, siguradong hindi na kasingsaya sa kinagawian ang pagdiriwang ng pista dahil sa hindi maaaring magtipon-tipon ang malaking bilang ng mga tao. Ilang pamilya din ang kumakaharap sa pagsubok dahil sa pagpanaw ng kaanak o kawalan ng hanap-buhay.
Ngunit, hangad ko at panalangin ko sa Panginoon na nawa’y maging maayos ang lahat at nawa’y magkaroon ng kaunting kasiyahan sa bawat isa sa aming bayan, sa araw ng Pista.