Sa araw na ito
Sa araw na ito, sisimulan ko na
Ang humakbang papalayo sa’yo.
Sa araw na ito, napagtanto ko na
Na hindi maaring magkurus ang ating landas
Nang higit pa sa aking ninanais.
Sa araw na ito, bubuksan ko na ang aking mga mata
Sa katotohanan na may mga damdamin na kailangang isantabi,
May pagsinta na kailangang maglaho sa dilim ng gabi,
Magpira-piraso ang ningning at maghati-hati sa libo-libong bituin sa langit.
Nang sa ganoon ay manatili pa rin sya sa kalawakan,
Magbibigay ng liwanag sa aking puso’t diwa
At maaalala tuwing titingala sa langit pagsapit ng gabi.
Mararamdaman ko pa rin ang init nito,
Mababanaag kahit kaunti ang anyo na syang pinakahanap-hanap ko sa bawat minuto.
Sa araw na ito, pinapalaya na kita, maging ang aking sarili.
Payapa na ang aking loob.
Paalam, mahal ko.

Author’s Note: Sapagka’t maulan ngayon at medyo nakakalungkot, bigla kong naisip na may isinulat akong tula noong 2018. Hinanap ko ito. Mabuti na lamang at naibahagi ko ito dati sa isang kaibigan, kung ‘di wala na akong kopya. Naalala ko, naitype ko ito nang mabilisan sa opisina isang gabi pagkatapos ng trabaho at syempre, naidelete ko na rin nung lumipat ako.
Masyado palang madrama. Hindi na naman ako ganyan ngayon. Nakakapagod din kaya. 😀
Sa mga makakabasa nito, sana’y makatagpo kayo ng kaligayahan at pag-ibig. 🙂