Isa’t Kalahating Buwan ng Lockdown dito sa Pransya

Ika-15 ng Abril 2020 nang isulat ko ang mga naganap noong unang buwan ng lockdown. Noong panahong iyon, napakadali magkwento na para bang galing lang ako sa isang byahe, kagaya ng mga isinulat kong mga sanaysay sa pagpunta ko sa Barcelona, Roma, Vienna, Ingglatera at iba pang lugar. Sabik akong magkwento noon kung ano ang mga ginawa ko — mag-sketch ng kung anu-anong bagay, magluto ng iba’t ibang pagkain, manood ng mga pelikula, magbasa ng libro, at tumugtog ng gitara. Naisulat ko rin ang siyam na sanaysay dito sa aking blog mula nang nagsimula ang lockdown noong ika-17 ng Marso.

Ngunit ngayon, nag-iba na.

Marahil ay dahil ang mga bagay, kapag tumagal ay hindi na ganoon kaiba. Araw-araw, hawak mo ang oras mo kahit may mga oras pa rin na laan sa trabaho. Ngunit, napapag-isip ka. Kailan ba ‘to matatapos? Ang dami nang bansang apektado at tumataas na ang bilang ng namamatay at nagkakasakit. Paano kung mahawa ako sa saglit na paglabas para bumili ng grocery items or kahit na nga lang magtapon ng basura?

Dagdag pa dito, may mga isyu na dapat ay hindi naman mangyari kung ang atensyon ay ibaling natin sa kung ano dapat ang mahalaga—ang kalusugan at kaligtasan ng bawat isa.

  • Bakit may mga matitigas ang ulo na hindi sumusunod sa quarantine? Alam nang galing sa byahe, gagala pa rin?
  • Bakit may mga nagpo-protesta na labag sa kanilang karapatang-pantao ang pagpapatupad na magsuot ng mask o kaya ay lumagi sa bahay para hindi magkasakit o makahawa sa ibang mahihina ang katawan? Mahirap bang intindihin na kailangang gawin iyon?
  • Bakit na sa kabila ng pag-aalaga ng mga medical workers sa mga pasyente, at sa kabila ng kanilang pagod, inaakala ng iba na maaaring saktan o kutyain sila?
  • Bakit may mga nabigyan ng tulong  pinansyal, ngunit imbes na planuhin kung paano ang badyet sa pangaraw-araw na pangangailangan ay gagamitin lamang itong pangsugal? Dahil ba sa madaling gastusin ang perang ‘di mo naman pinagpaguran?
  • Bakit kailangang palakihin ang naratibo ng hidwaan ng mahirap kumpara sa middle class? Sa opinyon ko, lahat ng mamamayang nangangailangan ay dapat tulungan at lahat ng may kakayahang tumulong ay maaaring tumulong.
  • Bakit kailangang gumamit ng dahas imbes na magtulungan? Ganun na lang ba kamura ang buhay ng mga tao, na katumbas ng isang bala?
  • Bakit nagdudunong-dunungan ang iba na para bang eksperto sila sa siyensya at medisina? Tama ba na sabihin sa mga tao na mapupuksa ang virus ng sikat ng araw o kaya ng pag-inom ng disinfectant?
  • At kung totoo ang nabalita, bakit naiisip pa ng isang bansa na mangamkam ng teritoryo sa panahong ito? Ganun na lamang ba sila ka-gahaman sa likas na yaman o sa kapangyarihan?

Gaya ng dati, nagagawa ko pa rin naman ang mga libangan ko, pati na rin ang patuloy na pag-aaral para madagdagan ang aking kaalaman. Nakapagguhit pa ako ng ilang larawan, natuto tumugtog ng limang bagong kanta sa gitara, nakapagbasa ng libro, nakapanood ng bagong mga pelikula, nakasali sa meeting ng mga kasamahan ko sa Toastmasters bawat Sabado, nakakinig ng musika, at nakatawag sa mga mahal ko sa buhay sa Pilipinas.

Ngunit, habang tumatagal, mapapaisip ka. Paano kung magkasakit ang kahit isa man sa iyong kapamilya o kaibigan? Paano na ang mga nawalan ng trabaho? Paano ang mga walang makain? Paano ang mga maysakit na walang pampagamot? Paano kung lumaki ang bilang ng mga mahawaan at mamatay dahil sa mga taong matigas ang ulo at ayaw makinig sa paliwanag at sa siyensya? Mukhang ‘di maiwasan mag-isip at mag-alala sa mga panahong ito.

Sa kabila ng mga nabanggit na malungkot at makapag-aalalang mga bagay, mayroon namang mga balitang nakapag-pangiti. Lumabas ang likas na pagkamatulungin ng mga Pilipino. Marami ang nagbigay ng libreng pagkain. Marami ang nag-organisa para makapagbigay ng mga personal protective equipment at ilan pang mga kagamitan. Marami ang tumulong sa mga naghihikahos na mamamayan. Lumitaw din ang likas na pagkamasayahin ng mga Pinoy sa ibang isyu. Ang pagpatupad ng community quarantine ay nagresulta sa iba’t ibang nakakatawang memes. Ang panawagan ng mass-testing, ang work from home set up, at iba pang isyu tungkol sa mga hakbang ng gobyerno ay ginawa ring bagay na nakakatawa ng ilang Pilipino. Gaya ng inaasahan, marami din ang hindi natuwa at nanawagan sa mas maayos na paghawak ng sitwasyon sa bansa ngayong panahon ng pandemic. May mga nanawagan sa pagbitiw sa puwesto ng ilang opisyal ng bansa.

Dalangin ko na sana ay mahanap na ang gamot sa COVID-19. Sana ay masimulan na ang pagbibigay ng mas mataas na pagpapahalaga sa pananaliksik sa siyensya at sa sektor ng kalusugan. Sana ay magkaroon ng mas malaking pagpapahalaga sa agrikultura sa bansa.  Sana ay makapagpatupad ng mga programa para mabigyan ng ikabubuhay ang mga mahihirap at walang trabaho. Sana ay manumbalik na ang mga ngiti ng mga pamilya at mga kaibigang muling magkikita-kita.

At sa ilang araw pa mula ngayon, sa muling pagbubukas ng mga opisina at establisimyento dito sa Pransya, muli na namang magkakabuhay ang lungsod ng mga ilaw—ang Paris. Sa araw na ‘yon, nanamnamin ko ang sikat ng araw at ang mga bati ng “Bonjour” na aking maririnig.  Muli kong makaka-daupang palad ang mga kasamahan ko sa trabaho at mga kapwa ko Pinoy, sabay ng dalangin na sana malusog at ligtas sila, pati na ang kanilang mga pamilya.

Paunawa: Ang sanaysay na ito ay base sa personal na opinyon ng may-akda at hindi kinakatawan ang kanyang kinabibilangang departamento o organisasyon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s