Maligayang Araw ng mga Manggagawa

Ngayon, Mayo uno, ay ang araw ng mga manggagawa.

Sa araw na ito ay nais kong magbigay pugay sa mga masisipag at matatapat na mga manggagawang Pilipino, at maging sa mga manggagawa sa iba pang panig ng mundo.

Malaki ang papel na ginagampanan ng mga manggagawa para mapatakbo ang isang pamayanan at ang buong bansa.

Photo by Immortal Shots on Pexels.com

Sila ang mga magsasaka na maghapong nakabilad sa init ng araw para magtanim ng palay, mga prutas, gulay at mga puno. Sila ang mga guro na magdamag na nagtuturo at sa gabi o Sabado’t Linggo naman ay naghahanda ng mga ituturo, nagtsi-tsek ng papel, o gumagawa ng mga visual aids. Sila ang mga doctor, nars at mga manggagawa sa hospital o klinika na nag-aalaga ng mga may karamdaman. Sila ang mga manggagawa sa konstruksyon na nagkakalyo ang mga kamay at sumasakit ang balikat sa paghawak ng pala, pagbuhat ng mga sako ng semento, pagsalansan ng hollow blocks, at iba pang mga gawain. Sila ang mga pulis na nakabantay tuwing may pagtitipon sa pamayanan at nagpapanatili ng kaayusan sa bayan o lungsod.

Sila ang mga mangingisda na maghapon sa laot. Sila ang mga empleyadong nagtatrabaho sa opisina—tagahanda ng mga ulat, tagatanggap ng mga tawag o bisita, taga-ayos ng sistemang administratibo, tagapanayam sa mga aplikante, tagapanatili ng kalinisan, at kung anu pa mang ibang gawain. Sila ang mga tsuper na nagpapasada sa umaga o sa gabi para maihatid ang mga pasahero sa kanilang nais o kailangang puntahan. Sila ng mga tao sa midya na naghahatid ng balita sa araw-araw. Sila ang mga nasa restawran, hotel, museo, mga malalaking shopping malls, maliliit na tindahan, mga pamilihan, mga salon, mga resort at iba pang mga lugar.

Photo by Yury Kim on Pexels.com

Masasabing lahat sila ay may pangarap na mapabuti ang lagay ng kanilang pamilya at mga mahal sa buhay, at maiangat ang antas ng pamumuhay. Ang iba ay kuntento na sa payak na pamumuhay, basta’t ligtas ang kanilang pamilya, nakaka-kain ng tatlong beses sa maghapon, at may bahay na matutuluyan, gaano man ito kasimple. Karamihan ay nagsusumikap na makapag-aral ang kanilang mga anak o mga kapatid. Ang ilan ay pinili o napilitang mangibang-bansa para magkaroon ng mas malaking oportunidad.

Lahat sila ay may karapatan na mabigyan ng tamang pasweldo, sapat na oras ng pahinga, at mga benepisyong nararapat sa kanila. Lahat sila ay nararapat na igalang bilang tao. Lahat sila ay katuwang ng bansa para mapaunlad ito.

Mainam kung tutulungan silang umangat ang antas ng kanilang kakayahan at kaalaman. Sa mga magsasaka, hindi sapat na meron silang mga pananim at binhi. Maaari silang turuan ng tamang paggamit ng pataba, natural na paraan ng pagpuksa sa mga peste, at paggamit ng makabagong makinarya. Sa mga guro naman, mas mainam na bukod sa pag-assign sa kanila ng mga asignatura, bigyan sila ng mga makabuluhang pagsasanay (at bawasan ang ilang ‘di kinakailangang gawain). Marami pang ibang halimbawa.

Muli, sa lahat ng mga manggagawa, mabuhay kayo! 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s