Dahil sa sitwasyong kinakaharap ng buong mundo ngayon, sa banta sa kalusugan na dulot ng COVID-19, may mga ipinapatupad na mga bagong pamantayan ang mga Pasuguan at Konsulado ng Pilipinas sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Kasama na rito ang pagpapatupad ng istriktong appointment system para sa mga aplikante na nangangailangan ng serbisyong konsular, pati na ang pagpapadala ng ilang aplikasyon sa pamamagitan ng mail o sulat. Kasama na rin dito ang pagpaskil ng mga importanteng anunsyo tungkol sa mga konsular na serbisyo at mga pamantayan na ipinapatupad sa pagbyahe at sa pangangalaga sa kalusugan.
Sa Pasuguan ng Pilipinas dito sa Paris, minarapat ng pamunuan na magkaroon ng web scheduling system, nang sa ganoon ay mapangalagaan ang kalusugan ng mga aplikante at maging ang mga empleyado ng Pasuguan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng social/physical distancing. Sinisigurado rin nito na mabigyan ng halaga ang oras ng bawat isa sa pagbigay ng serbisyo sa oras ng kanilang appointment nang hindi kailangang maghintay nang matagal. Ang ilang serbisyong konsular din ay sa pamamagitan ng mailing system. Ang ilang serbisyo naman gaya ng visa ay suspendido muna sa ngayon, habang limitado pa ang mga panauhin na maaaring makapasok sa bansang Pilipinas. At regular din na nagpapaskil ng mga importanteng anunsyo para sa publiko.
Dahil dito, nais kong magpasalamat sa mga Kababayan natin na naiintindihan ang sitwasyon:
- Salamat sa mga kumukuha ng appointment at pumupunta sa takdang araw at oras ng kanilang schedule;
- Salamat sa mga sinisigurado na mayroon silang appointment at hindi basta na lamang pumupunta sa Pasuguan at gagawa ng eksena o magsisigaw sa may gate o sa labas;
- Salamat sa mga naghahanda ng kumpletong dokumento pagpumunta sa Pasuguan sa araw ng kanilang appointment;
- Salamat sa nagbibigay ng sapat na panahon para magawa ang kanilang mga kinakailangang dokumento at hindi ang magpumilit na madaliin ito sapagkat kailangan na sa sunod na araw o linggo;
- Salamat sa pag-unawa na kailangang malimita ang mga aplikante na nasa Konsular dahil sa sitwasyon. Salamat sa pag-intindi na hindi nangangahulugan na walang ginagawa ang mga empleyado dahil sa walang pila at walang malaking grupo ng tao na naghihintay sa labas;
- Salamat sa pagpa-abot ng mensahe o balita sa tama at opisyal na channels ng Pasuguan o Konsulado;
- Salamat sa pagiging magalang, maging sa personal man o sa panulat. 🙂
Kaisa ninyo ang mga Pasuguan at Konsulado sa sitwasyong ito. Ngunit kailangan din ang kooperasyon at pag-unawa ng lahat ng mga kababayan.
Sa lahat ng mga kapwa ko Pilipino, nawa’y manatili kayong ligtas at malusog. Sana’y mag-ingat kayo palagi. ❤